Thursday, May 28, 2009

Bong at Hayden: Isang liham

Pinakamamahal kong Bong,

Panalo ka talaga, Idol! Halos nakalimutan ko na na nakaupo ka nga pala sa Senado.

Sa wakas, tumayo ka din upang ipakita sa mga kapwa mo senador kung p’ano talaga makatulong sa ating Inang Bayan, partikular na sa mga kababaihan.

Mabuhay ka, Idol! Sana dumami ang lahi mo. (Ay teka, madami na nga pala ang lahi mo — at ng tatay mo.)

Tama ka. Isa talagang ‘pervert of the highest degree’ iyang si Hayden Kho. Hindi gaya mo. Sobrang manyak pa at mapagsamantala iyang si Hayden. Hindi gaya mo. At ‘buang’ at ‘wala sa tamang pag-iisip’ talaga iyang tao na iyan — doktor pa naman. Hindi gaya ni Miriam.

Isa kang tunay na maginoo, Idol. Hindi gaya ni Hayden na isang manlilinlang, isang babaero, isang tao na ginagamit ang pusisyon niya upang mapagsamantalahan ang mga nangangailangan at walang laban.

Talaga namang nakakagigil at nakakainit ng dugo panuorin iyang sex videos na iyan ni Hayden. Ikaw nga mismo, Idol, inamin mo na n’ung makita mo ‘yung isang sex video na pinagkakaguluhan ng staff mo, ‘nanginig’ ang laman mo, ‘nanggigil’ ka at ‘di ka makapaniwala’. Ganung-ganun din ang naramdaman ko n’ung makita ko ang mga videos na iyan. Halos maduwal ako. Promise.

Sa lahat ng ating mga senador, ikaw talaga ang inaasahan kong tumayo at magsalita tungkol sa isyu na ito. Ikaw at, marahil, si Jinggoy. Ikaw, dahil marami kang karanasan sa mga bagay-bagay na ito. Hindi naman natin maikakaila na minsa’y naging ‘matulis’ ka din, ‘di ba?

Mabuti naman at nilinaw mo, Idol, na ‘di ka nagmamalinis sa ginagawa mong pagtatanggol sa mga naging biktima ni Hayden. Tao ka din. Marupok. May mga kahinaan. Ang mahirap pa sa katayuan mo, bukod pa sa mayaman at makapangyarihan ka — gwapo ka. Kasalanan ba iyun? Kasalanan ba ang maging gwapo? Kasalanan ba ang magmahal?

Naniniwala ako na sumpa talaga ang maging isang gwapo, Idol. Kaya, huwag mong isipin na kasalanan na ipinanganak kang gwapo. Maraming tukso ang lumalapit sa mga kagaya natin. Kaliwa’t kanan. Lahat ng kasarian. Pati halaman.

Pero dapat lamang siguro na ilagay natin sa ayos ang ating pagiging gwapo, ‘di ba?

Magkahawig man kayo ni Hayden — pareho kayong gwapo, maganda ang pangangatawan, matambok ang pwet, kaakit-akit ang mga mata — marahil ‘di mo gagawin ang mga ginagawa niyang kahalayan.

Kung may lumapit sa iyo na isang napakaganda at napakabatang dilag na nagaalok ng panandaliang aliw, itutuwid mo ang kanyang landas. Kapag may lumapit sa iyo na nangangailangan ng tulong pinansyal at handang ibigay ang kanyang pagkababae bilang kapalit, kakausapin mo lamang siya at magbibigay ng tulong, subalit ‘di mo siya dadalhin sa isang maliit na kwarto na may TV na nakabitin sa dingding (plasma TV na pala ngayon ang ginagamit sa mga ganitong lugar) at may see-through na shower room.

Hindi! Hinding-hindi mo gagawin ‘yun! Isa ‘yung malaking kaululan!

Iyan ang tunay na lalake! Umiinom na lang ng Ginebra kaysa magbigay-daan sa tukso. Saludo talaga ako sa iyo, Idol!

May mga nagsasabi din na baka naman naiinggit ka lang daw kay Hayden, na tila pinaglalaruan niya itong mga batang-bata at naggagandahan na mga kababaihan na n’ung kasikatan mo’y lumuluhod sa harapan mo. Ngayon daw kasi, baka kay Dra Bello ka na lang pumasa.

Paninirang puri na naman ito! Hindi ko lubos maisip kung paano nila naiisip ang mga ito tungkol sa iyo. Ikaw pa na wala nang kahilig-hilig sa babae, na walang ibang pinagtatangi kundi ang iyong kabiyak, na hinulma sa kung paano maging isang ulirang asawa ng iyong ama, na isa pa ring huwaran ng isang ulirang asawa.

Sinususugan ko ang mga labis na pinagisipan mong mga panukala. Dapat talagang ipagbawal iyang pamboboso. Kung bakit naman kasi sobrang taas na ng antas ng medisina natin at ‘di na tinutubuan ng kuliti ang mga bastos na iyan.

Marahil, dapat ding isara na sa Pilpinas iyang mga malalaswa at karumal-dumal na pornographic sites na iyan, gaya ng ginagawa nila sa China at Middle East. Kung magagawa natin ito, bakit ‘di pa natin palawigin? Isara na din natin, gaya ng ginagawa nila sa China at Middle East, iyang mga websites na iyan na walang magawa kundi ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag at iba pang mga karapatang pantao, na tumutuligsa sa ating mahal na Pangulo at sa mga kagaya mo, Idol, na iilan lamang sa ating mga mambabatas na nanatiling nasa tuwid pa ang pag-iisip.

Sa mga naninira sa iyo at nagsasabing isa kang hipokrito dahil sa mga pinagsasabi at ginagawa mo ngayon, ito lang ang masasabi ko: Birds of the same feather, flock!

.

Labis na nagmamahal at naghihintay na makita ka sa www.holybang.com,
Roborat